Thursday, October 8, 2009

FIRST READ ON PEP: Gretchen Barretto and Pops Fernandez are the subject of threatening text messages

May text messages na kumakalat ngayon sa ilang showbiz circles na nakarating sa PEP (Philippine Entertainment Portal) kahapon. Umuusok ang tono ng text at binabanggit dito ang mga pangalang "Gretchen," "Pops," "Ana," "Dodie," at "Senator Miriam Defensor."

Sinasabi ng text na "may konting katotohanan sa sinasabi ni Senator Miriam Defensor" tungkol umano sa mga artistang may "percentage ng komisyon sa road safety at road works ng mga raket ni Dodie."

Nang pagtagni-tagniin ng PEP ang mga praseng ito, nabuo namin na ang tinutukoy ng mga ito ay ang isinusulong na hearing ni Senator Miriam Defensor Santiago laban kay Rodolfo "Dody" Puno, dating executive director ng Road Board.

Ang Road Board ay nasa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at ang DPWH ay isa sa pinagtutuunan ng pansin ng Economic Affairs Committee ng Senado, na pinamumunuan ni Miriam Santiago, mula pa noong Setyembre ng taong ito.

Dahil binanggit ang "Gretchen" at "Pops," tinumbok naming ang aktres na si Gretchen Barretto at Concert Queen na si Pops Fernandez ang tinutukoy ng text, lalo pa't sinasabi sa text na "artista" ang dalawa at alam sa showbiz circles na ang dalawa ay malapit sa isa't isa. Dagdag dito, minsan nang na-link si Gretchen kay Dody, at si Pops ay matagal nang kaibigan ni Dody.

Mula roon, madali nang tukuyin na ang "Ana" ay si Ana Abiera, ang matalik na kaibigan nina Gretchen at Pops, at kaibigan din ni Dody. Base sa text mismo, si Ana ang pinadalhan ng text na ito.

Malinaw na idinadawit ng text sender sina Gretchen at Pops sa kontrobersiyang ito. Ayon sa text message, "nakikikomisyon" daw ang dalawang artista sa mga road projects na isinasagawa ni Dody.

KUMPLETONG TEXT. Narito ang kabuuan ng tatlong text message na diumano'y ipinadala kay Ana sa mga petsang hindi pa natutukoy:

Unang text: "Kung meron mas malala kaysa sa mga bagyo na pinagdaanan ng bansa natin is that may konting katotohanan sa sinasabi ni Sen. Miriam Defensor pati ang mga artistang sina Gretchen Baretto at Pops Fernandez ay kasama na nakikikomisyon sa mga proyekto. Mas matindi pa sa buwaya ang mga ito at pati source ng pinahanap nila ay na-123 nila. Kung ebidensya ang pagbabatayan mismong sulat kamay ni Gretchen ang percentage ng komisyon sa road safety at road works ng mga raket ni Dodie.

"Alam ni Gretchen at Pops kung sino ako. Matagal akong nananahimik at nagpapagaling pero ayaw nila akong tantanan. Puwes sa senado kami magkikita. Wala akong kinakatakutan kahit sino pa. Alam ko Ana na humingi kayo ng 500k na advance sa Serena kasama mo si Gretchen. I recorded my conversation with Jenny Munar.

Pangalawang text: "Pakisabi sa dalawa mong alaga, mga putang ina sila! Hindi ko sila tatantanan at hindi ko sila uurungan. Mismong tatay ko binaril ko, mismong anak ko hindi ko inuurungan. Sino sa tingin nyo kayo? Gusto kong malaman kung gaano kayo katapang. Nananahimik ang buhay ko pa-letter-letter pa kayo. Antayin ninyo ang sagot ko.

Pangatlong text: "Tingnan ko lang kung anong presinto kayo ni Dodie babagsak sa mga raket ninyo."

GRETCHEN SA TELEPONO. Nakausap ng PEP editor-in-chief na si Jo-Ann Maglipon si Gretchen Barretto kagabi. Tinanong ni Jo-Ann kung alam nito ang tungkol sa texts na kumakalat.

Inamin ni Gretchen na nakarating na sa kanya ang mga text na tinutukoy namin. Kumakalat na nga raw ang mga ito. Kinumpirma rin niyang ipinadala ang mga ito kay Ana Abiera, at sinabi nitong ang nagpadala ng maiinit na text ay si Mikaela Bilbao.

Si Mikaela Bilbao ay may-ari ng Philosophy by Mikaela Advanced Aesthetic Center, isang beauty and wellness clinic. Naging endorser ng Philosophy si Pops, kasama sina Ruffa Gutierrez at Rufa Mae Quinto. Nag-pose si Pops kasama ang isang malaking ahas para sa billboard ng naturang clinic. Endorser ngayon ng Philosophy si Nadia Montenegro.

Kamakailan lang ay boluntaryong nag-bow out si Mikaela sa Celebrity Duets, ang celebrity singing contest ng GMA-7, dahil daw sa "stress." Isa siya sa siyam na napili para sa contest, na ini-launch ng GMA-7 sa isang malaking press conference sa Annabel's restaurant.

Ito ang pahayag ni Gretchen sa PEP: "Mikaela came to us around February or March this year. Mikaela is a friend of Pops and Ana. Ipakilala raw namin siya kay Dody kasi may contractor siyang kaibigan na gustong ilapit. 'You hook me up with him,' sabi niya. At sinabi niyang may 25 percent to 30 percent daw kaming commission."

Sa pagpapatuloy ni Gretchen: "But nothing prospered. We didn't get anything. The project never happened. Pero eto ngayon siya na nagte-threaten ng kung anu-ano. Gusto ko siyang ipa-blotter at kasuhan. I'm consulting with lawyers now."

Naging maiksi lang ang panayam ng PEP kay Gretchen. Hindi nailinaw ang pinagsimulan ng isyung ito: ano ang motibo ni Mikaela, ano ang proyektong pinag-uusapan, ano ang role nila sa mga business deals ni Dody Puno, ano ang pinagmulan ng gulo.

Ang sabi ni Gretchen, "I will discuss this with you. But it has to be a sit-down interview. This is a long one. And it would be best to have Pops and Ana there."

No comments:

Post a Comment